Man And Wife (Wifely Duties 2)

Chapter 9



Chapter 9

Chapter Nine

*Others can control who you are.

But never your heart’s true nature.*

“ANO NA’NG gusto mong itawag ko sa `yo? Seline o… Agatha?”

Napayuko si Agatha at hindi alam kung ano ang isasagot kay Johann. Dito lang siya kumportableng nasasabi ang lahat. Hindi na niya alintana pa kung bago pa lang silang magkakilala. Sa tingin kasi niya, sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya ay ito lang ang makakaintindi at makakatulong sa kanya.

“Naguguluhan pa rin ako,” malungkot niyang sabi. Napatanaw siya kay Sasa na nakikipaglaro sa ibang mga bata. “Kung hindi Seline ang pangalan ko, bakit iyon ang pinaniwala sa akin ni Niel? I-ibig bang sabihin, nagsisinungaling siya? At kung hindi ako si Seline… hindi ko a-anak si Sasa?”

Sumakit ang puso niya habang nakatanaw pa rin kay Sasa. She had grown fond of the little girl believing that she was really her daughter. Masakit isipin na hindi totoo ang lahat. Masasaktan ang bata…

Bumaling siya kay Johann. “Ang pangalan ko pa lang… Iyon pa lang naman ang natatandaan ko. Doon pa lang ako sigurado. Hindi ko pa rin alam kung sino talaga ako…”

Dumantay ang kamay nito sa balikat niya. “Tutulungan kita. Sa Sabado, pupunta kami sa sentro para mamili ng gamit ng mga kasama ko. Nabalitaan kong may psych clinic doon. Sasamahan kitang magpatingin.”

“Pero wala pa `kong sapat na ipon—”

“Ako na’ng bahala sa lahat ng gastos.”

Napakurap siya. “Johann…”

Nginitian siya nito. His eyes were tender. “Ako’ng bahala sa `yo. Sa tingin ko, kaya rin wala ka pang maalala dahil nabanggit mong hindi ka nadala sa doktor ng Niel na `yon.” Sumeryoso ang mukha nito. “Pero malaking improvement na nalaman mo na kung ano talaga ang pangalan mo, Agatha.”

Napakurap uli siya. The way Johann said her real name made her feel that it was not the first time she heard him say that.

“Pero kung sasama ako sa inyo, ano’ng sasabihin ko kay Niel?”

Si Johann naman ang napakurap. “Ha? Titira ka pa rin sa iisang bahay kasama ang Niel na `yon kahit na nagsinungaling siya sa `yo?” Napatayo ito. “Agatha, hinayaan ko lang `yong kagabi pero hindi na `ko papayag uli na makasama mo sa iisang bubong ang lalaking `yon!”

Napalakas ang boses nito kaya naman may ilang naglingunan sa kanila. Pati si Kapitana.

“Ay, sorry po. Sorry po. Na-carried away lang. He-he!” Umupo uli si Johann sa tabi niya. “Sorry, Agatha. Pero kasi—”

“A-ano’ng ibig mong sabihin na hinayaan mo lang kagabi? Johann, may alam ka ba—”

“Inay! Inay, tapos na `ko aral!” Patakbong lumapit sa kanya si Sasa at niyakap siya sa binti. “Inay, gutom `ko…” Lumabi ito at tumingala sa kanya.

Hinaplos niya ang buhok nito. “Sandali lang, anak, ha?” Bumaling uli siya kay Johann.

Nakayuko ito, parang may itinatago. At noon lang niya napagtanto na simula nang makilala niya ang lalaki ay napakabait nito sa kanya. Hindi naman niya ito nilalayuan dahil sa tingin niya ay palakaibigan talaga ito. Pero tuwing napapag-usapan si Niel…

“Johann, may alam ka ba?” tanong uli ni Agatha.

Nang magkasalubong ang mga mata nila ay malungkot ang mga mata ni Johann. “Gusto kitang tulungan, Agatha. Sa lahat ng tao, ikaw ang pinakauna kong tutulungan.”

Napahinto siya. “M-magkakakilala ba tayo?” she suspiciously asked. Kaya ba magaan ang loob niya rito sa simula pa lang? Bago ba siya mawalan ng alaala ay magkakilala sila? May koneksiyon ba sila?

Napatingin si Johann kay Sasa, pagkatapos ay sa kanya. At pagkatapos ay kay Sasa uli bago muling bumaling sa kanya. Nahihirapan na ang emosyong nakapaloob sa mga mata nito.

“`Putsa! Ba’t may batang kailangang…” bulong nito at saka napapikit nang mariin. “Agatha, umuwi muna kayo. Pupuntahan kita mamayang hapon sa inyo. Anong oras ang uwi ni Daniel?”

“Alas-singko.”

Tumango ito. “Pupuntahan kita bago siya umuwi.” Napatingin uli ito kay Sasa. Nginitian nito ang bata. “Ang galing mo kanina. Sabi ko na nga ba’t matalino kang bata.”

“Salamat, Teacher Pogi!”

“Alagaan mo ang inay mo, ha?”

“Opo!” Yumakap uli si Sasa sa binti niya.

“Johann…” Marami pang gustong itanong si Agatha. Kanina, akala niya ay matulunging kaibigan lang talaga ang lalaki. Pero ngayon, malakas ang kutob niyang may alam ito tungkol sa kanya!

Kaya ba ganoon na lang ang saya sa mga mata nito nang sabihin niyang naalala na niya ang sariling pangalan? Napayakap pa ito sa kanya kanina sa sobrang tuwa lang daw nito.

Tumalikod na si Agatha at naglakad pauwi kasama si Sasa. Nang lumingon siya ay nakasunod ng tingin si Johann sa kanya.

Nagpatuloy sila ni Sasa sa paglalakad. Hawak niya ang kamay ng bata.

“Inay? Inay!”

Huminto siya sa paglalakad at niyuko si Sasa. At noon lang niya napansin na malapit na sila sa kanilang kubo.

“Inay, bakit `di mo `ko sagot?”

“H-ha?”

“Inay, ano ulam? Gutom na `ko, eh!”

“Ah… magluluto ako pagdating natin. Pasensiya na, ha? Marami lang akong iniisip.”

Tumango ito. Sasa swayed their clasped hands. “Inay, alam mo, lahat ng kalaro ko sabi nila, ganda-ganda mo. Tuwa ako, eh! Ikaw maganda sa lahat, Inay!”

Agatha smiled softly. “Mas maganda ka, anak…” May kung anong pumiga sa puso niya. Sa maraming buwang nagdaan, kahit may mga pagdududa ay naniwala siyang anak niya talaga si Sasa. Pero sa pagkakaalam niya ng totoong pangalan, ibig sabihin… kasinungalingan ang lahat.

Pagdating sa kubo ay agad niyang binihisan ng pambahay ang anak. Pagkatapos ay naghanda na siya sa pagluluto. Nakaupo si Sasa sa mesa, pakanta-kanta habang nagdo-drawing.

Noon may sumagi sa isip ni Agatha. Kahit kailan ay hindi siya nagtanong kay Sasa dahil sa tingin niya ay masyado pa itong bata para mapagtanungan niya ng tungkol sa kanya.

Pero kung hindi siya si Seline… kung hindi siya ang totoong ina ni Sasa… bakit mula nang magising siya galing sa aksidente ay “Inay” na ang tawag nito sa kanya?

Napalingon siya sa anak. “Sasa… may itatanong ako.”

Huminto ito sa pagkanta at pag-drawing. Tumingin ito sa kanya. Ngumiti. “Ano po tanong, Inay?”

Napalunok si Agatha. “A-ano’ng madalas nating ginagawa bago ako maaksidente? Nagtatanim din ba tayo sa harap ng bahay? Namimitas ng kalamansi?”

Umiling ito. “Nasa work ka, Inay.”

Work? May trabaho siya? Pero walang nabanggit si Niel. Or she just assumed that she was a housewife that always looked after Sasa?

“A-ano’ng work ko?”

“`Di ko alam, Inay. Wala ka bahay lagi, eh. Malayo daw work mo, sabi Itay.”

“S-sino’ng nagbabantay at nag-aalaga sa `yo?”

“Nurse! Sa clinic ako, Inay. Lagi ako may sakit, eh.”

“S-sakit? Ano’ng sakit mo?” Hinaplos niya ang mukha ni Sasa. Sinisipon ito noon pero hindi pa naman natuloy sa kahit anong sakit. Hindi pa ito nagkakasakit mula nang maalagaan niya.

“`Di ko alam, Inay. Pero lagi ako hindi makahinga. Araw-araw, clinic ako. Araw-araw, inom ako gamot.” Ngumuso ito. “Nagbabantay si Itay `pag gabi.”

Hindi niya alam iyon! Kahit kailan ay walang nabanggit si Niel. At mali rin ba siya dahil ngayon lang niya naisip itanong pagkatapos ng mahigit pitong buwan?

“Ako? Binabantayan din ba kita?”

“Malayo work mo, Inay. `Di ka lagi umuuwi.” Lumungkot ang mga mata ni Sasa. “Iyak nga ako lagi, eh. Iyak din si Itay `pag iyak ako. Hindi ka daw kasi makauwi, eh.”

Kumirot ang puso ni Agatha. Napaupo siya sa upuan, paharap sa anak. “H-hindi tayo… nagkikita? Hindi ako umuuwi kahit alam kong may sakit ka?”

Umiling ito. “Pero dito ka na, Inay. Alis ka na daw sa work mo kasi gusto mo, ikaw na mag-alaga sa `kin.” Yumakap ito sa leeg niya at hinalikan siya sa pisngi. “Hindi ka na picture, Inay!”

“P-picture?”

Tumango si Sasa. “Wala ka lagi pero bigay si Itay picture mo sa `kin, para kilala po kita. Lagi ko yakap `yon `pag may sakit ako. `Tapos, Inay, lagi ako pray para makita na kita. Pray ako kay Papa Jesus na uwi ka na kasi gusto na kita makita, eh.”

Kahit naguguluhan ay nagawa naman ni Agatha na ngumiti sa anak. Ayaw niyang maramdaman ni Sasa na naghihinala na siyang hindi niya ito tunay na anak. Masakit sa pusong isipin na masasaktan si Sasa kapag nalaman niya ang katotohanan tungkol sa pagkatao niya.

“Sasa, nasaan ang picture, anak? Bakit `di ko naman nakita dito sa bahay?”

Wala silang litrato, kahit family picture, dahil nga natupok lahat ng apoy. But Niel saved a picture of Seline for Sasa?

“Mmm…” Napatingala si Sasa. Parang nag-iisip ang bata. “Itinago ni Itay kasi nandito ka naman na, Inay. `Di ko na kailangan picture!”

`Tinago? Bakit kailangang itago? “Alam mo ba, anak, kung saan `tinago ni Itay?”

Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang tumango si Sasa.

“Puwede kong makita? Turo mo sa `kin kung nasaan…”

Tumango si Sasa. Binuhat niya ito pababa ng mesa. Tumakbo ito sa mga gamit ni Niel. May maliit kasing aparador na nasa tabi ng pinto. Hindi niya iyon binubuksan dahil puro gamit ni Niel. Ayaw naman niyang makialam sa gamit nito.

Sa ibabaw ng maliit na aparador na iyon ay nakapatong ang isang mataas na baso. Doon niya inilagay ang tatlong rosas na bigay ni Niel.

“Dito, Inay,” turo ni Sasa sa pinakaibabang parte ng aparador. Para iyong drawer. Hinila nito iyon pabukas at tumambad ang mga damit ni Niel. “Dito `yon, Inay…”

Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Agatha. Lumapit at yumuko siya sa lalagyan. Tinanggal niya ang mga damit ni Niel hanggang sa… may nakita siyang nakataob na picture frame. Maliit lang iyon. Square-shaped. Color black.

“`Ayan, Inay!” tuwang-tuwang bulalas ni Sasa. Dinampot nito ang picture frame, itinaas at iniharap sa kanya.

Napakurap si Agatha nang makita ang sarili sa frame. Pero mukhang mas bata at payat siya roon. Hanggang balikat lang niya ang kuha sa litrato pero ang kuwintas na suot niya sa leeg, halatang mamahalin. Wala siyang kahit anong kolorete sa mukha pero nakakulot-kulot ang dulo ng mahaba niyang buhok.

She was smiling sweetly in the photo.

Napakurap uli siya nang mapansin ang background… Piano? Was that a piano?

Marahan niyang kinuha ang frame mula kay Sasa. Siya iyon. Siyang-siya!

“Inay, luto na ulam! Usok-usok na.”

Wala sa sariling ibinalik ni Agatha ang mga damit ni Niel sa lalagyan. But she kept the frame. Inihanda muna niya ang pagkain ng anak. Pagkatapos ay pumasok na siya sa kuwarto at itinago ang picture sa damitan niya.

Magkasabay sila ni Sasa na natapos kumain. Sinadya niyang pumunta sa clinic kasama ito para bisitahin si Mrs. Monteverde. Pero may iba pa siyang pakay.

“Anak, kausapin ko lang ang nurse, ha? Dito ka muna kay Ate Ganda.”

“Opo, Inay!”

Sinulyapan niya ang babae. Marami pa siyang tanong tungkol sa katauhan nito. Pero mas marami pala siyang kailangang alamin sa sarili dahil… hindi siya si Seline!

“May kailangan ka, Seline?” tanong ni Ena, ang nurse talaga sa clinic.

“Ena, may gusto lang sana akong itanong.”

“Sige, upo ka. Tungkol ba kay Ganda?”

“H-hindi. Tungkol sa anak ko. Kay Sasa… N-nakalimutan ko kasing s-sakitin pala siya. Bigla akong nag-alala sa kondisyon niya ngayon. Ayos na ba siya?”

“Ah, oo! Naku, iyang si Sasa, baby namin `yan dito. Paano ba naman, nang lumipat sila ni Niel dito, sobrang liit pa ni Sasa. Wala pang one year old pero hikain na. Awang-awa nga kami ni Kapitana. Gusto naming dalhin sa ospital kaso walang pambayad si Niel. Kaya nanghingi pa kami ng tulong sa mga kanayon natin. `Tapos wala ka rin. Pero naiintindihan naming mas malaki ang kikitain mo kung magtatrabaho ka sa mas malaking bayan.”

“Nagkausap na ba tayo noon?”

“Hindi pa. Mula nang lumipat sina Niel dito, hindi ka naman namin nakikita.”

“Pero… kilala n’yo ako?”

“Oo. Kasi may picture ka naman. Laging ipinapakita ni Niel sa anak mo. At alam mo, konektadong-konektado siguro kayo ni Sasa, ano? Kahit nasa malayo ka, alam niyang nanay ka niya. Naalala ko nang baby pa si Sasa, hindi iyan matigil sa pag-iyak. Pero kapag itinapat namin ang picture mo, naku, titigil na iyan. Ngingiti pa. Ka-cute na bata.”

“Lagi talaga siyang may sakit?”

“Asthma. Palagi. Buwan-buwang nako-confine. Hindi na kaya ni Niel, pati daw ng suweldo mo. Nagsawa na ring tumulong `yong ibang kanayon natin. Kaya dito na lang sa clinic nagpapagaling `yong bata. May karelyebo akong nurse noon para mag-alaga kay Sasa. Sa awa naman ng Diyos, nang mag-four years old na siya, hindi na siya inaatake ng hika. Ang huling sakit niya, sa pagkakatanda ko, eh, bago `yong aksidente mo.”

“Ibig sabihin, bago ako maaksidente ay hindi pa tayo nagkakilala?” maingat niyang tanong.

“Hindi pa. Una kitang nakilala nang sumugod si Niel dito, dala ka na. Duguan ka. Pero dahil nga marami namang kuwento sa `yo ang asawa mo, parang kilala na kita.”

Lihim na kumuyom ang mga kamay ni Agatha. “Ibig sabihin, kahit kailan ay hindi ako nagawi dito sa Kab-Laaw? O nanirahan kahit isang araw? Isang linggo? Para makasama ang m-mag-ama ko?”

“Parang hindi, eh. Kilala ka lang namin sa kuwento, Seline. At sa picture mo. `Kala nga namin hindi ka totoo. Ang ganda-ganda mo kasi, saka mukha kang mayaman. Pero guwapo, matulungin, at masikap naman si Niel kaya hindi na kami magtataka kung bakit sumama kang makipagtanan sa kanya. Ang bait pa niya. Alam mo bang nang hindi na talaga makapagbigay ng donation ang mga kanayon natin, ang ginawa na lang ni Niel ay nagprisinta siya na pagsilbihan ang mga tao dito? Kahit beinte lang ang maiabot, ayos lang.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Pagkatapos sa trabaho, bibisitahin niya si Sasa. Pero kapag tulog ang anak niya, makikita mo siyang nag-aayos ng tubo, nagbubungkal ng lupa, naglalabada, naglilinis ng bahay, nagre-repair ng sirang motor, nag-aayos ng mga sirang gamit … ng mga kanayon natin. Ginagawa siyang utusan minsan. Kahit magkano lang ang kapalit. Pinakamalaki na ang tatlong daan na inaabot sa kanya. Para lang maipandagdag sa mga gastusin sa gamot.”

“Pero may trabaho ako, `di ba?”

“Kulang daw ang ipinapadala mo. Dahil may mga pangangailangan ka rin.” Nagkibit-balikat si Ena. “Basta nagtutulungan kayo ni Niel para kay Sasa, para lang hindi siya matalo ng sakit niya, iyon ang kuwento ni Niel. Siguro, Seline, `yong rason ng aksidente mo, para siguro manatili ka na lang dito. Na kahit hindi ka na magtrabaho, basta kompleto kayong pamilya ay lubos na nagpapaligaya kay Sasa.”

Pinilit ni Agatha na ngumiti. “S-siguro nga. Ibig bang sabihin, unang beses akong umuwi dito bago `yong aksidente sa gubat?”

“Hindi kita nakitang umuwi kasi nasa bakasyon ako noon sa La Union kasama ang pamilya ko. Pero pagbalik ko, kuwento sa `kin ni Daniel, umuwi ka na nga dito sa wakas. Pero nadamay ka naman sa aksidente sa gubat. Kaya duguan ka nang makita ko.”

“S-salamat, Ena.”

“Kailangan mo ba iyon para makaalala ka?”

“Ah, oo…” sabi na lang niya. “Salamat sa kuwento. Ngayon pala, eh, hindi na nagkakasakit si Sasa.”

“Himala nga. Mula nang umuwi ka na dito, hindi na nagkasakit si Sasa kahit kailan. Sabi na, eh, kailangan lang talaga ng alaga ng ina. Ay, siyanga pala…” May kinuha ang nurse mula sa ilalim ng mesa nito. “Kilala mo daw `yong poging volunteer teacher na taga-Maynila?”

“Ah, oo.”

“Ang bait din n’on. Tinulungan ka niya nang bigla kang himatayin. Naku, Seline, ha. Ingat ka. Baka magselos ang asawa mo.”

“K-kaibigan ko si Johann.”

Tumango ito at may iniabot sa kanya. “Ito `yong singsing ni Ganda. Sabi ni Sasa, hawak mo daw ito at nabitawan bago ka mahimatay. Ikaw na kaya ang magtago nito? Mukhang importante at mamahalin! Totoong ginto at diyamante! Mayaman nga siguro si Ganda…”

“Sige, salamat.” Itinago ni Agatha sa bulsa ang singsing. Tumayo siya at bumalik na sa kuwarto ng babae.

“Inay, antok na `ko…” Namumungay ang mga mata ni Sasa. “Uwi na tayo?”

“Sige, halika na.”

Humawak ito sa kamay niya. Tinitigan niya ang babaeng tulog na tulog pa rin. Sana magising na ito…

May kakaibang kutob si Agatha. Parang… kilala niya ang babae at hindi nito pagmamay-ari ang singsing.

“PARANG hindi kapani-paniwala…”

Napatango si Agatha. “Johann, sabi ni Nurse Ena, kahit kailan ay hindi ako umuwi dito. Magagawa ko bang hindi makita si Sasa na mula one year old ay labas-masok ng ospital? Sabi ni Niel, magkakasama kaming lumipat dito. At sabi din niya, sanay akong mamalengke dito pero nakalimutan ko lang. Paano ako masasanay kung kahit kailan ay nasa ibang bayan ako para magtrabaho?”

Pareho silang natigilan ni Johann nang marinig ang boses ni Niel.

“Sasa, anak? Seline?” Pagpasok ni Niel sa loob ng kubo ay napahinto ito nang makita si Johann.

“Ah, magandang hapon, Daniel,” bati niya sa asawa. Kahit malaki ang posibilidad na niloloko siya nito ay pinapakalma ni Agatha ang sarili. Gusto niyang bigyan si Niel ng pagkakataong umamin at magpaliwanag.

Alam niyang mabuting tao ito. Pero sa buhay, may mabubuting taong nakakagawa ng mga bagay na hindi inaasahan mula sa mga ito.

Gusto rin niyang malaman ang istorya ni Niel… kapag napatunayan na niya ang lahat. Kung makakaalala pa uli siya nang higit sa pangalan niya.

“Natutulog si Sasa. Maaga ka yatang nakauwi ngayon?”

“Ah, gusto ko lang sanang matulungan kang magluto ng hapunan.” Bumaling ito kay Johann. “Hindi ko alam na may bisita ka pala.”

“Ngayong oras na `ko bumisita para may araw pa sa labas at para hindi ka na mabahalang nag-uusap kami ni… Seline,” nakangiting sabi ni Johann. “Pero mabuti at nandito ka na. Sali ka sa usapan namin.”

Nababahalang napatingin siya kay Johann. Lihim na kinindatan lang siya nito.

“Bakit sa lahat ng tao dito sa Kab-Laaw ay si Seline ang lagi mong inaabala?” seryosong tanong ni Niel.

“Hindi naman siya abala, Niel,” kontra ni Agatha. “`Buti nga at may nakakausap ako kapag natutulog si Sasa.”

“Hindi naman siguro masamang mangapitbahay at makipagkuwentuhan?” nakangising sabi ni Johann.

Hinila siya ni Niel palayo kay Johann. “May gusto ka ba sa asawa ko?” tanong nito.

“Daniel!” saway niya sa asawa. Hindi ganoon ang nararamdaman ni Agatha. Oo at magaan ang loob nila ni Johann sa isa’t isa pero hindi iyon sa romantikong paraan, sigurado siya roon.

Nakangisi pa rin si Johann. “Selos ba you?”

Tumiim ang mga bagang ni Niel.

Johann laughed. “Para naman `tong si Reeve…” bulong nito.

“May gusto ka kay Seline?” tanong uli ni Niel. “Kung may gusto ka sa kanya, puwede bang lumayo ka na?”

Napabuga ng hangin si Johann. “Alam mo, Daniel, sa ating dalawang lalaki dito sa kubong ito, ako ang may pinakamalinis na hangarin kay Seline.”

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” Lumapit si Niel kay Johann.

Mas matangkad si Johann pero mas malaki ang katawan ni Niel na banat sa trabaho.

“Niel, please…” Hinila ni Agatha ang braso ng lalaki. “Walang gusto sa akin si Johann. Magkaibigan lang kami.”

“Ilang araw mo pa lang siyang nakikilala, Seline.”

“Hindi, Daniel,” singit ni Johann. “Hindi lang ako ngayon nakilala ni Seline.” Tumalim ang tingin nito.

Agatha felt Niel stiffen. Napatingin naman siya kay Johann

Johann smirked. “Kilalang-kilala ko siya. Ikaw, kilala mo ba siya?” he dared Niel.

Agatha’s heart raced. Totoo ngang… kilala siya ni Johann? Alam nito mula sa umpisa na hindi siya si Seline?

“Johann, umuwi ka muna,” sabi niya.

Parang ikinagulat nito iyon. “Ha? Bakit?”

“Niel, magpalit ka muna ng mas kumportableng damit. Ihahatid ko lang si Johann sa labas.”

Wala nang nagawa ang dalawang lalaki. Nagpahila na lang sa kanya si Johann.

“Hindi ako aalis, Agatha. Lalo na at kasama mo ang isang `yon? Hindi ako matatahimik katulad kagabi,” marahas na bulong ni Johann.

“Johann, bigyan mo pa ako ng ilang araw. Ayokong biglain si Niel. Baka lalo siyang tumanggi,” kalmado niyang bulong din.

Umiling ito. “Gusto mo ba ng mga ebidensiya? Kaya kong magbigay! Basta… basta sumama ka na lang sa akin.”

“H-hindi… hindi ko pa kayang iwan si Sasa,” malungkot niyang sabi.

“Pero si Daniel? Paano kung may gawin siyang masama sa `yo? Hindi siya ang asawa mo pero inangkin ka niyang kanya. Hindi ako judgmental pero— Putsa! Baka manamantala siya!”

“Johann, kilala mo `ko, `di ba?” Sa lahat ng sinabi ni Johann, natutuwa si Agatha na tama ang pinagkakatiwalaan niyang tao. Finally, she met someone na hindi niya pinaghihinalaan kung totoo ang mga sinasabi.

Because when Johann said that he knew her very much, naniwala agad ang puso niya.

“Kung kilala mo ako, alam mong mapagkakatiwalaan mo ako. At sinasabi ko sa `yo, nagsisinungaling man si Niel, may rason siguro siya. Niloko man niya pati ang anak niya, may dahilan siya kahit hindi mabuti ang ginawa niya. Na gusto kong malaman. Sinungaling o manloloko, gano’n man si Niel, alam kong hindi niya ako sasaktan. Sa loob ng pitong buwan na wala akong maalala hanggang ngayon, hindi niya ipinilit ang sarili niya sa akin.”

Nakasimangot na si Johann.

She gave him a reassuring smile. “May anak siyang babae kaya sigurado akong hindi siya mananamantala sa akin. Alam ko rin na mabuti siyang tao. Kaya gusto kong malaman kung bakit niya ginagawa ito kung mabuti naman siya. At malalaman ko lang iyon kung mananatili ako.

“I want to get mad at him,” she continued. “But at the same time, ano pa ang magagawa ng galit ko? Tapos na ang pitong buwang napaniwala niya ako. It will make me a bigger person if I choose to understand why he did that instead.”

Lumamlam ang mga mata ni Johann. “Agatha…”

“Kapag alam ko na, aalis na ako. Sasama ako sa `yo.” Naisip niya si Sasa at parang maiiyak siya.

“Napamahal na sa `yo si Sasa?”

Napatango na lang siya.

Bumuntong-hininga si Johann, parang malaki rin ang problema.

“M-may… iba ba akong pamilya, Johann? Asawa at anak?” she curiously asked.

Tumango ito.

Nangilid ang luha sa mga mata niya. “Are they looking for me?”

Tumango uli ito. Namula ang mga mata at napayuko.

Iyon lang muna ang gusto niyang malaman. “Gusto kong malaman ang mga nalalaman mo tungkol sa akin. Pero siguro, hindi muna ngayong nandito si Niel.”

“Naiintindihan ko.”

“Kung sakali mang may gawing masama sa akin si Niel, sisigaw ako nang malakas. Ikaw ang tatawagin ko, Johann.”

He nodded. “Magiging alerto ako. Basta nasa katapat lang akong kubo. Oras na may mangyaring masama, iaalis kita dito.”

Lumabas na si Johann at tumuloy sa katapat na kubo. Bumalik na rin si Agatha sa loob ng kubo. Natagpuan niya si Niel na nasa kuwarto, karga si Sasa na umiiyak.

“Bakit siya umiiyak?”

“Binangungot.”

“Inay…” iyak ni Sasa. “Inay, huwag ka alis uli. Huwag mo `ko iwan…”

Napalunok si Agatha.

“Ako na’ng magpapatahan kay Sasa,” malumanay na sabi ni Niel. “Siguro, maghanda ka na ng hapunan.”

Kahit gustong patahanin ang anak ay napatalikod na lang si Agatha. Ramdam niya ang pagkabiyak ng puso oras na umalis na siya ng Kab-Laaw para umuwi sa totoo niyang pamilya.

Ang paglayo kay Niel ay ang pag-iwan din kay Sasa…

Pagkatapos ng hapunan ay kinuwentuhan ni Agatha si Sasa hanggang sa makatulog na sila.

Nagising siya nang makaramdam ng pagkauhaw. Mag-aalas-tres na ng madaling-araw.

Lumabas siya ng kuwarto.

Napansin niyang wala si Niel sa papag nito. Bahagya ring nakabukas ang pinto ng kubo, parang hindi naisara nang maayos. Lumabas ba si Niel?

Natigil siya sa pagkuha ng tubig nang may marinig siyang… paghikbi?

May umiiyak sa labas ng kubo…

Marahan siyang lumapit sa pinto at sumilip sa labas.

Naaninag niya ang nakatalikod na si Niel… yumuyugyog ang mga balikat at tahimik na… umiiyak. Mag-isa.

Napalayo na lang siya sa pintuan. It broke her heart to hear him cry. Ano ang rason ng pagluha nito?

LUMIPAS ang tatlong araw at ramdam ni Agatha ang pag-iwas sa kanya ni Niel.

Sa almusal ay asikasong-asikaso nito si Sasa bago pumasok sa trabaho. Sa pag-uwi naman ay inuubos nito ang oras sa pakikipaglaro sa anak at hihinto lang kapag kakain na ng hapunan. At wala itong ginagawang masama sa kanya.

“Niel, iniiwasan mo ba ako?” marahan niyang tanong nang naghahanda na ito sa pagtulog.

“Kailangan kong matulog nang maaga. May trabaho ako bukas.”

“Niel, may mga gusto kasi akong itanong sa `yo…”

Kahit nakatalikod ay nakita niya ang pagkuyom ng mga kamay nitong may hawak na kumot. “Pag-uwi ko na lang siguro bukas, Seline. Magpahinga ka na rin. Alam kong pagod ka.”

Kinabukasan, wala na si Niel paggising nila ni Sasa. Pero nagluto ito ng almusal para sa kanila.

Nakapag-usap din uli sila ni Johann pagkatapos nitong magturo sa mga bata nang araw na iyon.

“Ano? Payag ka na bang pumunta tayo sa sentro? Sabado ngayon at—”

“Hindi muna, Johann. Kailangan sigurong makausap ko na muna si Niel.” Napabuntong-hininga siya. “Johann, may picture ako na itinago ni Niel. Kaya kilala ako ni Sasa at ng mga tao dito dahil sa picture na ilang taon niyang ipinapakita sa anak ko.”

Agad na nagsalubong ang mga kilay nito. “Ano? Picture?”

Inilabas niya ang picture frame mula sa damitan.

Nanlaki ang mga mata ni Johann. “K-kailan pa sa kanila ang picture na `to?” Inumpisahan nitong suriin ang mga litrato.

“Mula raw no’ng baby pa si Sasa.”

Umiling-iling si Johann. “Imposible! Paano magkakaroon si Niel ng picture mo—” Bigla itong napahinto. Itinalikod nito ang frame at binuksan iyon.

Sa likod ng litrato niya ay… Nanliit ang mga mata ni Agatha. Printed words…

Inalis ni Johann ang picture mula sa frame… It was a cutout picture! Ginupit mula sa kung saan!

“Tsk, tsk.” Napailing si Johann.

“A-ano `yan?”

“Ginupit sa isang magazine.”

Namilog ang mga mata ni Agatha. “M-magazine? Bakit? Bakit may picture ako sa magazine?”

Napabuga ng hangin si Johann. Tumayo ito at lumapit sa kanya. “Agatha, may ideya ka nang magkakilala tayo noon pa. Pero hindi mo pa itinatanong kung kaano-ano mo ako.”

Marahan siyang tumango. Baka kasi mas mahirapan siyang magtago kay Niel kung marami na siyang alam.

“Agatha, ang totoo niyan. Kapatid—”

“Seline! Seline!”

Magkasabay na nilingon nila ni Johann ang nakasarang pinto ng kubo. Agad naman niya iyong binuksan nang marinig ang boses ni Hasmin, ang tagabantay ng clinic kapag walang nurse o doktor.

“Seline— Sir Johann, nandito rin po pala kayo!”

Tumango ito. “Ah, oo. Nakikipagtsismisan lang kay S-Seline.”

Tumango-tango rin si Hasmin at bumaling uli sa kanya. “Seline! Nagkakamalay na si Ganda! Inaasikaso siya ni Ena ngayon!”

Napasinghap si Agatha. “T-talaga?”

“Halika! Baka gising na siya ngayon.” Hinila siya nito. Tumakbo sila papunta sa clinic. Agad na sumunod si Johann.

Pero pagdating nila sa clinic ay humahangos na sinalubong sila ni Ena.

“Nawawala si Ganda!” nanginginig nitong sigaw.

“Ano?!” Gulat na gulat si Agatha.

“Ha?” bulalas ni Johann. “Paano nangyari `yon?”

“Nagising na siya kanina. Lumabas ako saglit para ikuha siya ng tubig. Pagbalik ko ay wala na siya!”

REEVE was in the middle of tutoring Riana when the private investigator he hired called. Puwede raw bang magkita sila dahil may mga bago itong lead sa kaso ni Agatha.

“Darling, can Daddy go out first? I’ll call your grandma to take over. Para may kasama kang magbantay kina Adam at Rade. May kailangan lang akong puntahan.”

Mabait na ngumiti si Riana. “Okay, Daddy.”

Hinalikan niya ito sa noo. “Do you want anything? Bibilhin ko pagkauwi ko.”

Umiling ito. “Just take care, Daddy.” She smiled again, with her dimples showing. “I love you.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. “Daddy loves you too, darling.”

Wala pa ring alam si Riana tungkol sa pagkawala ni Agatha. Hindi katulad ni Rainiel. Reeve just lost the trust of his firstborn.

Kanina ay nagpasundo si Rainiel kina Daddy Philip at Mommy Ria, Agatha’s parents. Gusto ni Rainiel na sa lolo’t lola muna nito mag-stay.

Ayaw pumayag ni Reeve pero pinakiusapan siya ng kanyang mother-in-law. Ibabalik daw nito si Rainiel kapag kalmado na ang bata.

“I’ll bring Mommy back, Rainiel. That’s a promise I intend to keep.”

Yumuko ito at tinalikuran lang siya. Hindi man lang ito lumingon hanggang sa makaalis na ang mga ito.

Durog na durog na siya.

He sighed.

Tinawagan ni Reeve ang ina. Pagkarating nito ay saka siya umalis at nagpunta sa meeting place na napag-usapan nila ng private investigator.

“Mr. Monteverde, we’ll get straight to the point,” sabi ng imbestigador na si Ivan. “Nang wala na kaming makitang lead kung saan puwedeng mahanap ang asawa ninyo, bumalik kami sa pinangyarihan ng aksidente. Na-recover ang lahat ng katawan sa aksidente at akala natin ay ang sa asawa n’yo lang ang nawawala. Dahil ayon sa listahan ng management ng charity foundation, forty-five lahat ang volunteers na nakasakay sa bus, isang driver, at dalawang coordinating manager.”

Tumango siya. Lahat ng bangkay ay na-recover sa bangin mula sa tumaob na bus. Ang kay Agatha lang ang hindi nakita.

“But we found out something,” Ivan said. “May isa pang sumakay pero hindi kasama sa listahan. Ayon sa mga nakakita, the bus had a short stop in a gas station in Nueva Vizcaya. Doon ay may sumakay raw na isang babae. Nakiusap ito na pasakayin. Naiwanan daw ito ng bus na dapat ay sasakyan nito. Ang sabi ng nakakita, hindi nito alam kung sino ang pumayag pero nakasakay ang babae sa bus.”

“Kung gano’n, kasama siya sa aksidente?”

“Ganoon na nga. Papunta raw ang babae kung saan papunta ang mga volunteer, ayon sa nakarinig at nakakita. Kung ganoon, kasama siya sa mga naaksidente.”

“Ano ang kinalaman nito sa pagkawala ng asawa ko?”

“Sir, dalawang katawan ang nawawala. Ang sa asawa ninyo at ang sa babaeng hindi talaga kabilang sa grupo nila.”

“So? How is that connected to my wife?”

Humalukipkip si Ivan. “We found the unidentified woman in Kab-Laaw. Isa iyong secluded at remote area na sakop ng probinsiya ng Iddu sa Ilocos. Nasa paanan ng Mountain Province ang Kab-Laaw, malapit sa pinangyarihan ng insidente. We didn’t even know that Kab-Laaw exists.”

Reeve’s hope started to rise. Blood rushed all throughout his system. “A-are you saying that… that my wife could be…?”

Tumango nang marahan si Ivan. “My team will search the place, Sir. Hindi ko muna gustong umasa ka. Pero malaki ang posibilidad na kung nandoon ang babae ay nandoon din ang asawa ninyo.”

“A-are you sure about that?” His heart hammered hard against his chest.

“Again, Mr. Monteverde, malaki ang posibilidad. Magmamanman pa kami.”

Kinalma ni Reeve ang sarili at tumango. Noon, tuwing humaharap sa kanya ang mga imbestigador na kinuha ay lagi siyang galit at nakasigaw sa mga ito. He never considered how hard they worked just to give him good results.

Then he followed his mother’s advice. He fell silent during the investigation, not pressuring any of them, lalo na si Ivan.

And now, here it was. A good result. Another lead.

“Do you know what the other woman looks like?” tanong niya.

“We know what she’s wearing when she rode the bus.” May dinukot si Ivan na litrato mula sa inside pocket ng suot na leather jacket. Ipinatong nito iyon sa mesa at itinulak palapit sa kanya.

Mabilis na kinuha iyon ni Reeve.

“It was captured by the gas station’s CCTV camera.”

Tumango siya. Nakatalikod ang babae sa picture, akmang pasakay ng bus.

The woman’s hair was tied in a ponytail. She was wearing a white shirt, pants, and sneakers. Mula sa balikat nito ay may nakasabit na isang camouflage backpack.

“Maliit na nayon lang ang Kab-Laaw kaya malamang na magkakakilala ang mga tao. Kaya kung may dayo man sa kanila, agad nilang maituturo sa amin.”

This woman might be the key to where his wife could be. Magkasama ba ang mga ito? Ano ang nangyari sa dalawa? Were they confined somewhere?

Napakurap si Reeve nang may maalala. “Is this Iddu province the one ruled by Governor Herod Lira?”

Ivan nodded. “You have an ongoing construction in the town’s center, right?”

“A traveler’s inn, yes.” Mag-iisang taon na mula nang simulan ang construction ng inn sa Iddu. Pasikat na ang probinsiya dahil sa tourist spots. It was good business to put up a tourist inn which would be the province’s first.

Well, what do you know? Posibleng nandoon lang ang asawa niya.

“Please, Ivan. Sa oras na makita ninyong buhay at nasa maayos na kalagayan ang asawa ko, call me that instant. Gagawin ko ang lahat makapunta lang doon sa mismong araw na makikita n’yo siya.”

Nakakaintinding tumango si Ivan.

After a few more talks, the investigator left.

Reeve held back his emotions when he was left alone. Umaasa siyang hindi siya mabibigo sa pagkakataong iyon.

Sa pagkakataong ding iyon, matutupad niya ang pangako kay Rainiel.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.