Get Naked (Hubaderos Book 1: Neo)

Chapter 7



Chapter 7

“GRABE, Macy ! H alos hindi kita nakilala kanina. Akala ko may bago tayong empleyado,” sabi ni Abbie pagkakita kay Macy na nakaupo sa mesa.

“Para naglugay lang ako ng buhok,” natatawang sagot niya sa kaopisina.

“Hindi lang `yan, `no? `Yang blouse mo rin, teh . Ang sexy!”

Natawa si Macy. Suot-suot niya ngayon ang sleeveless top na tuluyan nang ibinigay sa kanya ni Zara. Lumuwang na raw kasi ang damit sa bandang bust area nang hiramin niya iyon.

“Saka parang may kakaibang glow sa mukha mo. You just look so entirely new and different, girl! Anong himala ang mayroon sa Sinagtala aside from having the hottest governor of the country, ha? Ha?” tukso pa ni Abbie.

Gustong takpan ni Macy ang bibig pagkarinig sa kontrobersiyal na gobernador ng Sinagtala na kailan lang ay nasangkot sa isang video scandal. Governor Jaidon Silvanus was caught by the camera making out with his fiancée—now his wife—outside a beach cottage in Escape. Yes, sa Escape kung saan din sila nagkalat ni Neo sa labas. And they did more than just making out! She was actually climaxing from his fingers!

Wala naman sigurong mag-iinteres na kunan sila ng video? Isa pa, ang dinig niya ay humigpit na ang security ng Escape mula nang mangyari ang eskandalo roon.

“Bigay lang ang blouse na ito ng kaibigan ko,” sabi ni Macy kay Abbie. “Saka naglugay ako ng buhok kasi bad pala sa hair natin `yong palaging nakapusod. `Yang glow naman na sinasabi mo… well, baka dahil naging tan ang kutis ko dahil sa pagpunta sa dagat.”

Gusto niyang mapangiwi nang tumingin siya sa suot na damit. Naisip ni Macy na huwag na lang iyong isuot dahil nakakapagpaalala lang iyon ng paglaladlad niya ng kahalayan. Ang damit na iyon ang suot niya nang una silang magkaroon ng sexual encounter ni Neo na pinag-ugatan ng kasunduan nilang mag-sex nang isang gabi.

May hangover pa siya sa nangyari kahit ilang araw na ang nakakalipas. Siguro ay aabutin ng ilang linggo bago siya tuluyang maka-recover. Never had she imagined that she would do something like that. Ang naiisip ni Macy dati ay ibibigay niya ang sarili sa lalaking mahal at pakakasalan. Well, not that she was regretting it, she was just still in awe.

“May outfit ka na pala sa anniversary natin? Gala daw ang party, so kailangang naka-gown tayo.”

Nagkibit-balikat si Macy. “Ewan ko kung pupunta ako. Alam mo namang wala akong hilig sa party-party na `yan.” Totoo iyon. Hindi pa siya naka-attend ni minsan sa mga anniversary party ng kompanya.

“`Punta ka na, `tapos, magpaganda at magsuot ka ng sexy gown para mapansin ka ni Ralph. Malay mo isayaw ka niya?”

“Ugh. Hindi ako nagsasayaw, Abbie.”

Bata pa ay hindi na nahilig sa sayaw si Macy. She didn’t think she had a natural body rhythm, masyado rin siyang self-conscious sa size niya. Imagine, sa JS Prom nila noon ay kitang-kita siya sa dance floor dahil mas matangkad siya sa karamihan sa mga lalaking classmates niya.

“Puwes, pag-aralan mo na ngayon! Sayang naman ang alindog. Meron ka pala niyan. Aba’y gamitin mo na!” sulsol ni Abbie.

Alindog talaga?!

Yeah, that alindog na si Apolonio Alonte ang nagpadiskubre sa kanyang mayroon pala siyang ganoon. Kaya siguro wala siyang nararamdaman ni kaunting pagsisisi sa pagkawala ng kanyang pagkabirhen sa lalaking walang kaugnayan sa kanya. May positibong dulot iyon sa kanyang pagkatao. She came back to the city like a brand-new woman—equipped with more power, confidence and assurance with her sensuality. Alam na alam na ni Macy ang gusto at kailangan niya bilang babae. So, yeah. Why not? Ang tanda na niya para mag-inarte pa. Maybe it was about time to get rid of her stupid timidness and tell that Ralph guy that she really liked him. Kung kinakailangan niyang yayain itong magsayaw ay gagawin niya!

“HEY, I thought we can’t date our employees?”

Tumawa si Clay sa sinabing iyon ni Neo. “You’re not technically working here, Neo. So, yes. You can date Krista.”

Nag-de-kuwatro si Neo sa pagkakaupo sa silyang nasa harap ng office table ni Clay sa Alonte Talents, Inc. Ang Krista na tinutukoy ni Clay ay isang beinte-kuwatro anyos na accounting clerk sa kompanya. Nakilala niya ang babae kaninang pumasok sa opisina ni Clay at may ipinapirma. She was about five feet, four inches tall; petite. Mestisa ang babae, maikli ang naka-highlights nitong buhok at mukhang sopistikada. Kung siya lang ang tatanungin ay papasa itong maging modelo sa ganda ng katawan at mukha.

“She liked you right away, if you didn’t notice,” panunukso pa ni Clay.

“Hindi ako magtatagal dito, Kuya. Remember, business ang ipinunta ko dito sa Manila.”

Bumiyahe siya mula Sinagtala dahil may kakausapin siyang potential buyers ng mushroom. Isang lalaking middle-aged na Chinese na nagbabagsak ng mga prutas at gulay sa malalaking market sa Hong Kong, at isang babaeng Taiwanese na taga-deliver naman ng mga gulay sa mga restaurant doon.

Kapag nakadagdag na siguro siya ng tao sa opisina niyang magiging in charge sa sales, baka puwede na siyang lumuwas sa Manila at mag-stay doon nang mas matagal. And maybe, then he could start dating Krista.

“Well, at least have dinner with me and Mom before you go home.”

“`Yon ay kung mahahagilap natin ang mahal nating ina. Nasaan ba siya ngayon?”

Bumuntong-hininga si Clay. “Dalawang linggo na siyang hindi umuuwi sa bahay. She’s dating this younger guy, I believe. Parang anak na niya kung tutuusin.”

“Kinukuwartahan siya?”

“Hindi `yon ang inaalala ko, Neo. Hindi ang tulad ni Mommy ang nagpapaloko sa pera. Ang pinoproblema ko ngayon ay parang nalululong siya sa pagsusugal at pag-inom. She apparently started smoking, too.”

Nahilot ni Neo ang batok. “Fuck.”

“Ang hirap magpalaki ng mga magulang,” iiling-iling na sabi ng nakakatandang kapatid.

“You know, she was doing just fine in the province, tending the flowers I planted for her. Ano’ng nangyayari sa kanya ngayon? Midlife crisis?”

“Probably.”

Kung minsan ay gustong maawa ni Neo sa kanyang kuya. Napakaagang nag-mature ni Clay, parang nawalan ito ng choice kundi gawin iyon. Ito ang kasama niyang nag-e-enroll noon sa nilipatan nilang eskuwelahan, dahil nakalugmok sa galit at lungkot ang kanilang ina at ayaw lumabas ng bahay. Si Clay ang nag-asikaso sa kanya, ang katulong niyang gumawa ng assignments at school projects. Ang nakatatandang kapatid din ang palaging kumakausap sa kanilang ina, at palaging kaargumento.

Clay was often quiet, standoffish, uptight and serious. Sa palagay ni Neo ay naging ganoon ang kanyang kapatid para maka-cope up sa pagkasira ng kanilang pamilya. Dahil doon ay sinikap niyang hindi maging pabigat sa ina at kapatid. He learned how to amuse himself, and eventually amuse other people. Pinili niyang maging masayahin at palabiro palagi. Madalas na walang sumeseryoso sa kanya dahil nasanay na ang mga tao na palagi siyang nakatawa. Marami ang mabibigla siguro kung bigla na lang siyang malulungkot; or worse, magdrama. Baka dalhin na siya sa pari para ipa-exorcise.

Sometimes he wondered, would he and Clay been different kind of persons had their parents not separated?

NAGULAT si Macy isang gabi ng Martes nang may mapagbuksan siyang bisita.

“A-ano’ng ginagawa mo rito? At ano `yang mga dala mo?!” nagpa-panic niyang tanong.

Diyos ko, kung kailan naman naka-recover na siya mula sa after-shock ng pinaggagagawa nila ng lalaking ito sa Escape, heto na naman ito at parang kabuteng bigla na lang lumitaw!

Tumawa si Neo. “Relax, Macaria, hindi ako aakyat ng ligaw sa `yo!” kantiyaw pa nito.

Napangiwi siya. “At bakit ko naman ine-expect na liligawan mo ako? Yucky lang! As if paliligaw naman ako sa `yo. Ano ba’ng kailangan mo, ha? At ano ang mga `yan?” pagtatalak niya sa lalaki.

“Hindi mo ba ako patutuluyin?”

Ugh! Nakasimangot siyang pinapasok si Neo. Ang wish pa naman niya ay ang hindi na makita si Apolonio Alonte kahit kailan pagkatapos ng nangyari sa kanila.

“Galing ang mga ito sa papa mo, ipinabitbit lang sa `kin noong nagsabi akong luluwas ng Manila,” sagot ng lalaki sabay lapag sa sofa ng mga dala-dala nitong plastic bags.

Agad hinalungkat ni Macy ang mga iyon. Atsarang papaya at ginisang bagoong-alamang na nasa malalaking babasaging garapon, peanut butter at coco jam na gawa ng kapitbahay nila sa Asuncion; ang isa pang malaking grocery bag ay naglalaman naman ng mga manggang manibalang at ang isa pa ay mga sarisaring gulay. And, voila! May mga kabuteng kasama!

Ano ba?! Sinabi nang hindi na siya mag-uulam o titingin man lang sa mga kabute dahil may ipinapaalala ang mga iyon sa kanya!

“Ang dami! Si Papa talaga, oo. Hindi ko pa nga nauubos `yong mga pinabitbit niya sa `kin noong last na umuwi ako.”

“Kailan ka uli uuwi sa `tin?”

Sumulyap si Macy sa bisita. “Bakit mo tinatanong?”

“Ang sungit-sungit mo talaga sa `kin. Para nagtatanong lang,” nagtatampong sagot ni Neo.

“Well, ewan ko pa. Wala naman akong dahilan pa para umuwi doon. Salamat sa pagdadala ng mga ito.”

Akmang bibitbitin ni Macy ang mga bag nang maliksi siyang inunahan ng lalaki. “Ako na.”

Iginiya niya sa kusina si Neo. “You want something to drink?” pagmamagandang-loob niya.

“Actually, I’m getting hungry. Naghapunan ka na ba? We can go out for dinner if you want.”

Hindi agad nakasagot si Macy. Dinner daw sa labas! Ayaw niyang tumanggi lalo pa’t ang magiging hapunan pa naman niya ay ginisang sayote na may corned beef na tira niya kagabi.

“O, hindi ito date,” nangingiting sabi ni Neo nang hindi siya agad nakasagot.

“Bakit ko namang iisiping date ito?” asik niya sa lalaki.

Matiyagang naghintay si Neo habang nagbibihis si Macy. Hindi naman siya masyadong nag-ayos. Gumamit lang siya ng powder foundation at lipstick saka naglugay ng buhok. Isang olive green open shoulder top ang napili niyang isuot kasama ang kulay beige niyang slacks. Actually, she had already bought sexy outfits like mini dresses but she opted not to wear them tonight.

“You know, I kinda like that sleeveless blouse you wore in the club,” sabi ni Neo nang palabas na sila ng bahay.

“Itinapon ko na.”

“Ha? Bakit naman? I think it looked good on you.” Ipinagbukas siya ng pinto ng kotse.

“Kay Zara talaga `yon kaya medyo masikip sa `kin. Parang kabastos-bastos ang dating nang ako na ang nagsuot,” sabi niya bago siya sumakay sa sasakyan.

“`Pag bastos talaga ang lalaki, kahit binalot mo pa ng banig ang buong katawan mo, babastusin ka pa rin. Saka wala namang bumastos sa `yo noon,” sabi ni Neo pagkapasok nito sa driver’s seat.

Wala nga, pero minanyak mo naman ako!

Ay, gaga pala siya. Kunwari pa, eh, nagpamanyak naman kaya siya!

“You should wear outfits like those more often, Macy,” seryosong sabi ng binata bago ini-start ang kotse.

“Bakit ba gustong-gusto ninyong mga lalaki na may nakikita kayong magagandang parte ng katawan ng mga babae?” bigla niyang naitanong.

“We are biologically designed that way. Lahat naman ng tao, mapalalaki o babae ay natural na attracted sa magagandang bagay.”

“I’m specifically pertaining to human attraction. Hindi ba puwedeng ma-attract na lang ang isang lalaki sa ganda ng ugali ng babae?”

“Puwede naman `yon, `pag bulag siguro ang lalaki. Kasi aminin na natin, hindi naman agad nakikita ang ganda ng ugali. Hitsura ang unang nakikita natin, at wala namang masama kung doon mag-uumpisa ang attraction dahil hindi naman nangangahulugan na hanggang doon na lang `yon. Puwedeng lumalim pa `yon sa pagdaan ng panahon kasi hindi naman panghabang-buhay na maganda ang hitsura ng tao.”

Well, he had a point.

Nagpatuloy pa si Neo. “Eventually, beauty will fade. At kahit bago pa naman kumupas ang gandang hinahangaan natin ay we tend to look beyond what our naked eyes could see.”

“My God, Apolonio. Hindi ako sanay na nagsasalita ka nang ganyan. Kinikilabutan ako! Parang may sapi ka lang.”

Tumawa ito. “Well, my point is, there’s nothing wrong in showing off your physical beauty, Macy,” sabi pa ni Neo na lalong nanggatong lang sa kumpiyansa niyang magsuot palagi ng mga sexy outfit.

Sa isang magandang restaurant siya dinala ng binata at ngayon ay nagsisisi siya at hindi ang mga sexy na panggabing damit ang kanyang naisuot. The place was nice and cozy and there was even a pianist playing mellow music.

Nagkakuwentuhan sila habang kumakain. Kahit may tensiyon sa ere ay nagawa namang mag-relax ni Macy. Parang hindi iyon mahirap gawin kay Neo dahil pakiramdam niya, kahit ano ay nakakaya niyang gawin at sabihin sa harap nito. Si Neo nga lang ang nakakapagpalabas ng masamang ugali niya, and, well… pati na rin pala tagong kahalayan ay napalabas na rin nito.

“Mas gusto ko sa probinsiya, mas tahimik at sariwa ang hangin,” sabi ng lalaki nang tanungin niya kung bakit pinili nitong manatili sa Sinagtala. “Ikaw, ayaw mo ba talagang mag-invest sa farm ko at magbalik-probinsiya na?”

Bumuntong-hininga si Macy. Ang totoo, mula nang bumalik siya ng siyudad ay hinahanap-hanap rin niya ang probinsiya feels. Tumawag sa kanya noong nakaraang linggo ang papa niya at sinabing nagkabayaran na sa ibinentang lupa. Nang marinig niya kung gaano kalaki ang kanyang share ay natukso rin talaga siyang bumigay sa inuungot nito.

“May hindi ka ba maiwan dito?” panghuhuli ni Neo.

Agad na pumasok sa isip niya si Ralph. Gosh, iyon nga ba ang dahilan? Baka subconsciously ay ayaw niya talagang malayo sa lalaking lihim na nagugustuhan kaya ayaw niyang bumalik sa probinsiya.

Nagkibit-balikat si Macy bilang sagot.

“Boyfriend?” pangungulit pa nito.

“H-hindi!”

“Ka-date?”

“Hindi rin.”

Kumunot ang noo ni Neo.

Bumuntong-hininga uli siya. “Just someone that I really, really like,” pag-amin niya.

“O-oh.”

Ngumiti si Macy nang maasim. “Pero hindi niya alam na like ko siya.”

“Does he like you, too?”

“I think so. Mabait siya sa `kin.”

“Mabait lang sa `yo, gusto ka na?” diskumpiyadong sabi ni Neo.

Heto na, nag-uumpisa na naman ang kamandag ng gagong ito! “Well, that’s what I assume. Hindi naman siguro masamang isipin `yon, `no? He’s always nice to me, very polite, and a gentleman. Lagi niya akong tinutulungan sa work and most of all, hindi niya ako inaasar kahit kelan.”

“In short, boring?”

Inangilan niya si Neo. “Heh!”

“So, lemme get this straight. Gusto mo si Mister Boring—”

“His name is Ralph.”

“Okay, gusto mo si Ralph, at sa tingin mo naman ay may gusto rin siya sa `yo. Pero wala sa inyo ang gumagawa ng move para malaman n’yo pareho na nagkakagustuhan kayo?”

“I will make the first move,” matapang niyang deklara. “Magkakaroon kami ng party sa kompanya this Friday night. Yayayain ko siyang magsayaw `tapos, sasabihin ko sa kanyang gusto ko siya.”

Bahagya yatang nagulat si Neo sa mga narinig nito mula sa kanya. Pero nagugulat pa talaga ito? Hello, she had sex with him on a whim. Para ano na lang na magtatapat siya ng feelings sa lalaking nagugustuhan niya?

“Well, at least susubukan ko, `di ba?” dagdag pa ni Macy, hinahalo-halo ng straw ang iniinom niyang Paloma. “Problema ko lang, wala pa akong isusuot. Hindi ko rin alam kung paano mag-aayos dahil gala raw ang party.” Bakit ba niya sinasabi ang mga ito kay Neo? “And, oh, my God! Hindi pa pala ako natututong magsayaw!”

Deretsong nakatingin sa kanya ang lalaki bago inubos ang iniinom nitong Steam Roller. “I think I can help you.”


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.