Tyron Zapanta (Possessive Series 1)

Chapter 17



Chapter 17

NASA balkonahe si Tyron at nakatingin sa ibaba kung saan naroon sina Raine at Dark. Masayang nag-uusap ang dalawa at magkahawak pa ang mga kamay! Kumuyom ang kanyang mga kamay sa sobrang selos na nararamdaman.

Natigilan siya nang maramdamang may yumakap sa kanya mula sa likuran.

“Tyron.” Boses iyon ni Careen. “Gusto mo mag-date tayo?”

Hindi siya kumibo. Nakatutok lang ang kanyang mga mata kay Raine na nasa ibaba.

Sinundan ni Careen kung saan siya nakatingin. “Tingnan mo, o, masaya si Raine na kasama ang ibang lalaki. Halatang hindi ka naman espesyal sa kanya.”

Humarap siya sa babae, saka pinakatitigan. This woman had been his on-and-off girlfriend for three years. Why not give their relationship another try?

“Careen.”

Nagniningning ang mga mata nito nang salubungin ang kanyang tingin. “Yes, Tyron?”

“Gusto mong mag-date tayo?”

Bumadha ang gulat sa mukha nito, saka malapad na ngumiti. “Of course!”

Susubukan niya. Susubukan niyang ibaling ang atensiyon kay Careen. Halata namang masaya si Raine sa piling ni Dark. Palaging magkausap ang dalawa. Siguro naman hindi si Tyron mahihirapan dahil ex-girlfriend naman niya si Careen. He already knew what made Careen smile, unlike Raine na kakikilala pa lang niya.

Maybe… it’s just lust.

Yeah. Maybe.

Sinapo ni Tyron ang mukha ni Careen, saka hinalikan ang dalaga. Napakunot-noo siya nang wala man lang maramdamang kakaiba, hindi katulad ng nararamdaman niya tuwing naglalapat ang mga labi nila ni Raine.

He quickly pulled away. “Saan mo gustong mag-date?”

Malapad na ngumiti si Careen at yumakap sa kanya. “Sa Baguio, babe.”

“Baguio it is.”

NASA labas ng bahay sina Raine at Dark, nag-uusap ng kung ano-ano. Wala sa sariling nag-angat siya ng tingin sa balkonahe ng bahay. Parang may pumiga at yumurak sa puso niya nang makitang sinapo ni Tyron ang mukha ni Careen at hinalikan ang babae.

Kinagat niya ang ibabang labi para pigilan ang mga luha na tumulo sa kanyang mga pisngi, pero nabigo siya. Mapait siyang ngumiti, saka ibinalik ang atensiyon kay Dark na nakatingin din pala sa magkasintahan sa balkonahe.

Ibinalik ng lalaki ang tingin sa kanya. “Ayos ka lang?”

Umiling siya. “Ilang araw pa lang kaming magkakilala at magkasama ni Tyron.” Itinuro niya ang dibdib kung nasaan ang kanyang puso. “Hindi ba napakaimposible naman na mahalin ko siya nang ganito? Nang halikan siya kahapon ni Careen, ang sakit-sakit. Parang sinasakal ang puso ko, Dark. Pero mas masakit palang makita na si Tyron ang humalik kay Careen. Hindi lang sinakal ang puso ko, pinatay pa.”

Tinuyo ni Dark ang luhang nagkalat sa kanyang mga pisngi. “Love really hurts, Raine. Alam na alam ko `yon. I’m in love with this woman, but she doesn’t even know that I exist. Napakasakit na makita ang mahal mo na may kahalikang iba, pero `yon na `yon, eh. Wala na tayong magagawa kung ang mahal natin ay may mahal na iba. Tyron is a jerk for hurting you, but I really believe that he loves you, Raine.”

Umiling siya habang mapait na nakangiti. “Tama na, Dark. Hayaan mo na `yon. Wala namang sinabi sa `kin si Tyron na mahal niya ako habang magkasama kami. All along, alam kong girlfriend niya si Careen. At wala akong laban do’n. Oo nga at mahal ko siya pero pagmamahal nga ba ang nararamdaman ko? We just met.”

Muling hinaplos ni Dark ang kanyang pisngi, saka bumuntong-hininga. “Love is not measured through time and days, Raine. Love is measured through here,” sabay turo sa puso niya. “Kung mahal mo ang isang tao, nandiyan siya sa puso mo at nakaukit ang pangalan niya d’yan. Walang kinalaman ang oras at araw sa pag-ibig. Love is complicated, Raine. It’s an unsolved mystery. If you love someone, you just feel it. And you did… with Tyron.”

Pilit siyang ngumiti. “Ayokong umiyak at namnamin ang sakit ng puso ko. How about you take me on a date? No’ng nasa Canada tayo, palagi mo akong niyayaya.”

“At palagi mo akong tinatanggihan,” nakangiting anito.

“Well, pumapayag na ako ngayon.”

Mahinang tumawa si Dark. “Saan mo gustong mag-date?”

Nagkibit-balikat si Raine. “Kahit saan. Basta mawala lang si Tyron sa isip ko.”

Hinawakan ng binata ang kanyang kamay, saka hinila patungo sa nakaparada nitong motorsiklo. Nang makasakay sila, kaagad na pinaharurot iyon ni Dark palayo sa bahay nina Tyron.

For the meantime, kakalimutan muna niya ang nararamdaman para sa binata at magsasaya siya.

NANG makarating sa Baguio sina Tyron at Careen, nagsimba muna sila, saka nagtungo sa mall para mamasyal. Para ulit silang magkasintahang magkahawak-kamay.

But Tyron didn’t feel like they were a couple. Something was missing.

“`Nood tayo ng movie, Ty.” Hinila siya ni Careen patungo sa pila ng bilihan ng ticket. “Ano’ng gusto mong panoorin?”

Nagkibit-balikat siya. “Ikaw ang bahala.”

Careen grinned. “Okay.”

Ang babae ang pumili sa papanoorin nila at sumunod lang siya. Siya ang nag-aya ng date pero kaagad siyang nawalan ng gana.

Ano ba ang nangyayari sa kanya? Dahil ba hindi si Raine ang ka-date niya? Iyon ba ang dahilan?

God! He felt so confused!

Mula nang mag-umpisa ang pelikula hanggang sa matapos iyon, nakatulala lang si Tyron sa kawalan. His mind was filled with thoughts of Raine and how it would be nice if she was here with him.

Pero si Careen ang kasama niya. He should focus on her.

Pagkatapos manood ng sine, nag-dinner sila sa isang Japanese restaurant. Panay ang kuwento ni Careen at panay naman ang tango ni Tyron. Nagkokomento siya paminsan-minsan pero si Raine pa rin ang laman ng kanyang isip habang kasama niya si Careen. Hanggang sa nagmamaneho pauwi ay wala siya sa tamang pag-iisip.

Nang makarating sila sa bahay, mag-aalas-sais pa lang ng gabi.

Akmang bubuksan na ni Tyron ang pinto ng sasakyan nang pigilan siya ni Careen.

Bumaling siya rito. “Ano `yon?”

Nang-aakit na ngumiti ito, saka dumukwang para halikan siya sa mga labi.

The kiss felt so bland but Tyron kissed her back. Gusto niyang may maramdaman sa halik na iyon. Pero kahit anong lalim ang halik na igawad niya kaya Careen ay wala talaga siyang maradaman. Ni hindi nag-init ang katawan niya at hindi lumakas ang tibok ng kanyang puso.

Tyron was the first to pull away. Lumabas siya ng sasakyan, tamang-tama naman na kapapasok lang ng motorsiklo ni Dark sa garahe.

“That was fun!” malapad ang ngiting sabi ni Raine kay Dark habang tinutulungan ito ng huli na makababa sa motor nito.

Dark grinned. “Oo nga. Sa tingin ko, ang dami kong nakain.”

Natatawang tinampal ni Raine ang balikat ng lalaki. “Ikaw naman kasi, eh. Halos lahat ng nasa menu ay in-order mo. Aminin mo na kasing matakaw ka, Dark.”

Sumimangot ito. “Hindi, `no. Tingnan mo naman ang abs ko.” Itinaas nito ang laylayan ng puting T-shirt na suot. “Sa tingin mo, tiyan ito ng matakaw?”

Tinampal ni Raine ang tiyan ni Dark at natatawang umiling-iling. “Kahit kailan talaga, Dark, palabiro ka.”

Natatawa ring inakbayan ni Dark si Raine. “I’m happy that I made you smile and laugh today, Raine.” Iginiya nito ang dalaga patungo sa pinto na hindi man lang tumitingin sa direksiyon nila. “Anyway, date uli tayo bukas?”

“Sige ba.”

And the two entered the house.

Kinapa ni Tyron ang dibdib. Malakas ang tibok ng kanyang puso kanina habang nakatitig siya sa masayang mukha ni Raine. He wished that it was him who was making her smile and laugh. Kinakain ng selos ang buo niyang pagkatao habang nakatingin sa dalawa na halata ang kasayahan sa mukha.

At habang nakatingin kanina kina Raine at Dark, napagtanto ni Tyron na hindi lang pagnanasa ang nararamdaman niya para sa dalaga. It wasn’t just her body that he wanted. He wanted her smile, her laugh and everything about her.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.