Get Naked (Hubaderos Book 1: Neo)

Chapter 24



Chapter 24

MAY dalawang minuto na sigurong nakatitig lang sa tester si Macy nang makita niya ang resulta. Sa una ay hindi niya alam ang eksaktong mararamdaman. Hanggang sa ibaba niya iyon sa marble counter at tumitig sa sariling repleksiyon sa harap ng salamin.

Kanina habang umiihi at hinihintay niya ang resulta ng test ay mas malaking parte sa kanya ang natutuwa. Yes, she was actually getting excited at the idea at being pregnant. Imagine, magiging nanay na siya. Magkakaroon ng munting buhay sa kanyang sinapupunan, hindi lang siya makakasaksi ng isang milagro kung manganganak na siya at parte na siya mismo iyon. Mamahalin niya ang bata at aalagaan; palalakihin gaya ng pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang.

But the result was negative.

At ngayong nakatingin sa kanyang sarili si Macy ay saka niya naman na-realize kung gaano kairesponsable ang kanyang naging mga desisyon. Oo, naging maingat siya. Oo, handa siya sa magiging consequences. Handa siyang maging nanay for God’s sake, na-excite pa nga siya sa posibilidad kanina. But now, she was realizing that she was actually only thinking of her own happiness. She was being selfish. Oo nga’t hindi na tanong ang pagmamahal at pag-aalaga sa kanyang magiging anak dahil sigurado siyang maibibigay niya iyon nang buong-buo. Pero isinaalang-alang din ba niya ang iisipin ng bata paglaki nito? Magugustuhan kaya ng bata kapag nalaman nitong bunga ito ng isang seksuwal na relasyon?

Natigil siya sa pagmumuni-muni nang marahang kumatok sa pinto ng banyo si Neo.

“Babe, are you okay?” narinig niyang tawag ng lalaki sa kanya, mahihimigan sa boses ang pag-aalala.

“Y-yeah,” mahinang sagot niya saka binuksan ang pinto at marahang lumabas mula roon.

He reached her hand and held it tight. Naghintay ito ng kanyang sasabihin.

“It’s n-negative,” balita ni Macy sa lalaki na parang gustong magningning ang mga mata.

Parang nilukuban ng dilim ang mukha nito. “N-negative?”

Tumango na lang siya.

Ilang sandali ring namayani ang katahimikan sa pagitan nila, nakatayo lang sila sa harap ng isa’t isa. Sa sahig lang siya nakatingin at nararamdaman niyang nakatitig sa kanyang mukha si Neo.

“Can you do the test again just to make sure?” basag ni Neo sa katahimikan.

“Bukas, ite-test ko uli,” sabi ni Macy na sinalubong na ang tingin ng lalaki.

Nakita niya sa mukha nito ang lungkot, ang panghihinayang. Ang inaasahan pa naman niyang reaksiyon ng lalaki ay relief dahil negative nga ang resulta. Was he being sad that she was not pregnant?

“Pero sa tingin ko ay tama ang result ng test,” sabi niya sa binata. “Na-delay lang siguro ang menstruation ko dahil sa stress. Nangyari na ito sa `kin noon, lalo noong nag-aaral ako ng college dahil nai-stress ako minsan kapag may major exams. Na-experience ko pa ngang mag-skip ng isang buwan,” paliwanag pa niya.

“Y-you’re stressed right now?”

Hindi siya nagsalita. Niyakap siya ni Neo. She silently cursed herself for failing to resist the warmth and comfort of that embrace. Lihim niya pala iyong pinanabikan—iyong hawakan siya, yakaping uli ni Neo. God… Kaya ba niyang ihintong pangarapin na ang ganito?

“I’m sorry, I’ve been harsh to you,” paghingi ni Neo ng tawad, nakikiusap ang boses.

Mabigat ang loob na itinulak niya sa dibdib ang lalaki. “Neo, please stop,” mahinang sabi niya.

He didn’t want to let go. “Macy—”

“This has to stop.” Nagpilit siyang kumalas mula rito. “A-ayoko na ng ganito.”

“A-ano’ng ibig mong sabihin?”

Matigas niyang tiningnan si Neo sa mga mata kahit ang totoo ay parang gustong manlambot ang lahat ng parte ng kanyang katawan.

“Kung may kinalaman ito sa pag-aaway natin ay pag-usapan natin `to. I’m willing to listen, to compromise. I know that I have issues and I will work on them. Please, I- i don’t wanna lose you, Macy.”

Pinatatag ni Macy ang boses. “Just… stop. Stop, all right?!” Naglakad siya palayo sa binata, inihagis sa trash can ang hawak na pregnancy test kit. Kung puwede lang na pati damdamin niya ay maitatapon din sa basurahan. Kung ganoon lang sana kasimple ang lahat.

Sumunod sa kanya si Neo, lumuhod sa kanyang tabi nang umupo siya sa kanyang swivel chair.

“Do you see what I mean?” pigil ang pag-iyak na sabi niya kay Neo. “This! Ginaganito mo na naman ako kasi alam mo na siguradong matutuwa ako sa `yo, na mahuhumaling na naman ako. Alam na alam mo kasi ang kahinaan ko, Neo. Alam na alam mo kung paano paikutin ang kalooban ko.”

Bumuntong-hininga ito, parang pinag-iisipan ang gustong sabihin. “Had this something to do with Kael?” mahinang tanong nito makaraan ang ilang sandali.

Sarkastiko siyang tumawa, saka humampas sa ibabaw ng mesa. “You know what? You were right all along. Ako ang problema kasi madali akong nahuhulog sa mga lalaking mababait sa `kin. Lagi na lang ganito. Lagi na lang akong may maling akala. Hindi na ako nadala, putang-ina.” Kumawala na ang mga luha mula sa kanyang mga mata at marahas niya iyong pinahid bago pa man makapaglandas sa kanyang magkabilang pisngi. “Can’t you see it now? Kaya ayoko na, Neo. Ititigil ko na ang katangahan ko. Kaya utang-na-loob, huwag mo na akong hayaang mapahiya uli sa sarili ko.” Inilagay niya sa kanyang bag ang cell phone at susi ng Honda Civic na nasa ibabaw ng mesa. “I honestly can’t work right now, I’m sorry,” sabi niya sa lalaki saka tumayo.

Wala itong imik na marahang tumayo at inihatid siya ng tingin palabas sa pinto ng opisina.

Panay ang punas ni Macy sa mukha habang bumababa siya ng hagdan, binubura ang mga bakas ng kanyang luha. Paglabas niya sa front door ay patakbo siyang lumapit sa kanyang sasakyan. I-start na sana niya ang makina nang bigla na lang siyang kusang humagulhol. She buried her face on the steering wheel, weeping.

DALAWANG araw nang hindi pumapasok sa Alonte Mushroom Farm si Macy. Dalawang araw na ring gulong-gulo ang kanyang isip. Opisyal na siyang bumitaw sa relasyon nila ni Neo at wala sa hinagap niya noon na ganito pala kahirap ang pakiramdam. Paano siya ngayon magtatrabaho kasama ang lalaki? Napaka-awkward na. Kung sana kasi ay hindi nila ginawang komplikado ang relasyon nila ay madali lang sanang bumitiw at bumalik sa normal na routine.

Wait… Anong ‘nila’? Ang tamang term ay ‘siya’ lang. Dahil siya lang naman itong naging assuming beyond their sexual relationship. Naging mabait lang si Neo sa kanya, naging malambing lang at maasikaso ay na-fall na siya. Hindi pa rin siya nagbabago mula noon hanggang ngayon. Iyon pa rin ang weakness niya pagdating sa mga lalaki. Ang kaibahan lang ngayon ay hindi na makuha sa food trip ang pagbura sa sakit na nararamdaman. Kanina nga ay halos hindi siya nakakain ng tanghalian, tinanong pa siya ni Tia kung hindi ba masarap ang luto nito.

Kahapon ay naglakas-loob siyang i-text si Neo na dumating na ang monthly period niya at hindi muna siya papasok ng ilang araw. Wala siyang natanggap na sagot, salamat na lang dahil ayaw niya munang kausapin ang lalaki.

Kinagabihan ay nagulat si Macy sa kanyang bisita. Si Kael, may dala-dala itong mga pulang rosas at isang kahon ng imported chocolates. Ni hindi niya maalalang umoo pala siya sa lalaki kahapon nang pakiusapan siya na makipagkita. She was too overwhelmed and devastated with Neo to remember that she just lazily said yes to Kael.

“Nanliligaw ba `yon sa `yo?” usisa ng kanyang ama nang makaalis ang bisita.

Tinatamad naman siyang sagutin ang pangungulit nito, tumango na lang siya saka humakbang papunta sa kanyang kuwarto.

Sumunod naman si Gabriel. “Paano na kayo ni Neo?”

“Walang kami ni Neo, `Pa,” malungkot niyang sagot.

“Akala ko ba nagdi-date kayo?”

Umupo si Macy sa gilid ng kanyang kama. “A-ayoko na po.”

Lalong naintriga ang ama. “Bakit, nag-away kayo? Kaya ba hindi ka na pumapasok?”

Nagkamot siya ng ulo. Hindi siya sanay na kinakausap ang kanyang papa tungkol sa love life niya. Wow, love life daw, o! As if naman, eh, one-sided lang ang kawawang love life niya.

“Sasagutin mo si Kael?” Ayaw siyang tantanan ni Gabriel. “Mukha naman siyang mabait, pero mas gusto ko sana si Neo—”

“Papa, huwag na tayong umasa kay Neo,” nakasimangot niyang putol sa sasabihin ng ama.

“Pero mahal mo na siya?” panghuhuli nito.

Hindi umimik si Macy.

“At natatakot kang magpatuloy ang relasyon n’yo kasi akala mo, hindi niya maibabalik ang nararamdaman mo para sa kanya?”

Bumuntong-hininga na lang siya sa panghuhuli ng ama.

“Anak, sa palagay ko naman ay may espesyal na nararamdaman sa `yo si Neo.”

“`Pa naman, eh. `Di por que mabait na sa `kin ay may special feelings na rin. Ilang beses na akong nabiktima ng maling akalang ganyan,” himutok ni Macy. “Ayoko na pong umasa.”

“Matanong ko nga, gaano kalayo ang narating ng maling akala mo bago si Neo? Wala naman akong naalalang lalaking pinagtuunan mo ng ganyang klaseng pagtingin.”

“`Yon nga, `Pa. Masyado nang malaki ang investment ko sa gagong `yon, ayoko nang dagdagan dahil alam kong malulugi ako sa huli.”

Dumantay ang kamay ni Gabriel sa kanyang balikat. “Anak, noong nag-invest tayo sa negosyo ni Neo ay walang kasiguruhang tutubo tayo nang malaki. Oo nga’t malaki ang return of investment ng mushroom production sa panahon ngayon, pero masasabi ba natin kung hanggang kelan? Maraming puwedeng mangyari sa hinaharap. Pero, tamo, namuhunan pa rin tayo. Wala tayong magagawa kundi hope for the best. Ganoon talaga ang buhay, hindi maiiwasan na minsan ay masaktan o mabigo tayo.”

Nangilid ang luha sa mga mata ni Macy. “A-at gusto n’yong mamuhunan din ako ng pagmamahal kay Neo?”

“Bakit hindi? Naumpisahan mo nang sumugal, bakit hindi mo ituloy?” Napailing ito. “Noong pakasalan ko ang mama mo, wala naman akong siguradong pinanghahawakan kundi ang pagmamahal ko sa kanya. Alam kong sa pagdaan ng panahon ay baka mabago ang pagtitinginan namin, baka may mangyaring hindi kanais-nais, na baka mawala rin siya sa `kin. Praktikal akong tao, alam mo `yan pero marunong akong sumugal. Walang sigurado sa mundong ito kundi ang kamatayan nating lahat, na siyang bumawi sa `yong ina mula sa `tin.

“Halos ikamatay ko rin ang nangyaring `yon, muntik pa akong nagkaroon ng thanatophobia. Pero na-realize ko, kahit magkulong ako maghapon sa kuwarto ay hindi pa rin ako makakaiwas sa kamatayan. Masakit man ang pagkawala ni Lena ay wala naman akong pinagsisihan dahil alam kong naibigay ko sa kanya ang lahat ng pagmamahal ko. `Yon ang tanging puhunan ko, pag-ibig.”

Nagpahid siya ng mga mata. “Natatakot akong mabigo, Papa.”

“Naibigay mo na ba lahat?”

Hindi siya makasagot. She gave Neo her body, yes. Pinagkatiwalaan niya rin ito. She deeply cared about him. Loved him. But she didn’t tell him the latter. Ano nga kaya kung ipagtapat niya sa lalaki ang tunay na nararamdaman?

Anong ano nga kaya ? Nag-freak out nga ito nang ma-realize ni Neo na nasasanay na raw sa mga pag-aalala at paglalambing niya. Baka tumakbo na ito palayo kapag nagtapat pa siya ng pag-ibig.

But wasn’t it worth the try at least?

“Anak, malamang na hindi ko gaanong kilala si Neo gaya ng pagkakakilala mo sa kanya. Nakikita ko siya bilang lalaki sa lalaki, bilang ama sa isang anak. May respeto’t pag-aalala siya sa `yo, `yan ang nararamdaman ko kaya magaan ang loob ko sa binatang `yon. Para sa `kin ay sapat nang dahilan ang mga iyon para magtiwala ka na darating din ang araw na maipapadama rin niya ang gusto mong maramdaman mula sa kanya.” Nagkibit-balikat si Gabriel. “Kung hindi pa niya talaga nararamdaman `yon, o baka hindi lang niya alam o tuluyang maamin.”

Napasinghot siya at natawa. “`Yan din ang akala ko,” mapait niyang sabi tungkol sa huling sinasabi ng ama.

“Minsan, may mga taong manhid sa ganyang bagay, eh. Pero, Macy, dapat mo ring alalahanin ang background ni Neo; ang nangyari sa kanyang mga magulang. Hindi natin siya masisi kung babakuran ni Neo ang sarili niya pagdating sa pag-ibig. Pero dahil may relasyon naman kayo kamo, at least ay hinahayaan ka niyang makapasok sa bakod niya kahit paano. Maging matiyaga ka lang at dapat ikaw ang mas nakakaintindi; dahil ikaw, kahit paano ay naging buo ang pamilya mo. Sinuwerte ka sa parteng `yon ng buhay.”

“Ang hirap-hirap lang kasi, Papa,” sagot ni Macy na sinundan ng hikbi.

“Ganyan talaga, anak. Pero hanggang hindi ka naman ginagamit, niloloko o inaagrabyado ni Neo ay huwag ka munang bumitaw. Siyempre, una pa rin ang self-respect dapat, ayokong magpakamartir ka.”

Nagtatalo ang kalooban niya kung susundin ang payo ng kanyang ama. Masama lang siguro ang loob niya dahil sa naramdamang parang pagtataboy sa kanya ni Neo. At ang gagong iyon, hindi man lang siya tinawagan o t-in-text ngayong araw na um-absent siya sa trabaho. Paano naman susugal sa ganoon, aber?

“Pag-iisipan ko po, Papa. Salamat sa advice,” sabi na lang niya sa ama.

Tumayo na si Gabriel. “Huwag ka nang malungkot. Bagong-hasa na `yong itak ng lolo mo. Sabihin mo lang kung—”

“Papa!” bulalas ni Macy at napatayo na rin. Ipinagtulakan niya ang ama palabas ng pinto ng kanyang kuwarto. “Matulog na nga kayo!”


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.